Palagi akong namamangha sa taglay na ganda at liwanag ng buwan. Ano
man ang hugis o yugto nito; buo man, kalahati, gasuklay, o nagsisimula
pa lamang. Kung maaari nga lang sana itong lapitan o hawakan
ay matagal ko nang ginawa. At malamang ay palagi kong gagawin.
Gusto kong maging buwan, pangarap na alam kong hindi mangyayari
kailanman. Tulad ng buwan, gusto kong maging maganda, maliwanag,
at hinahangaan. Ngunit alam ko na ito ay hanggang pangarap at
panaginip lang.
Subalit ang pangarap at imahinasyon palang ito ay posibleng maging
totoo sa pagdating ng isang tao. "Para kang buwan, ang ganda
kaso malayo". Mga kataga mula sa isang ginoo na di kalaunan ay
nagpakilalang araw, sapagkat para sa kanya ay ako ang buwan. At ito
ang naging simula ng aming pagtatagpo at pagiging malapit sa isa't
isa. Sol at Luna ika nga. At ang tagpong ito ay tila ba naging espesyal
at hindi pangkaraniwan. Katulad na lamang ng minsang nangyayari
sa kalawakan na madalang lamang nating masaksihan. Isang Eklipse
kung tawagin ng siyensya. Ngunit hanggang saan nga ba hahantong
ang pagtatagpong ito ng isang buwan at ng araw? Tulad din kaya ito ng
Eklipse na panandalian lang? O magiging posible na ito ay maaaring
magsama ng matagal.